Huwebes, Enero 30, 2025

Suring Aklat: How to Make a Serial Killer


Sta. Lucia High School

 #30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City 



 How to Make a Serial Killer

 Ni Serialsleeper (Bambi Emanuel M. Apdian)

 Anvil Publishing Inc, 2019 



 Isang Suring-Aklat (Book Review) na iniharap Kay 

Ginoong G. Agpaoa, LPT 

 Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong 

 Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Tektso Tungo sa Pananaliksik 



 Ipinasa ni:

 Mohammad Yassen R. Daracag 

 G11 – STEM 1 


 Enero, 2025



I. PANIMULA

    A. PAMAGAT 

        Ang pamagat na ‘How to Make a Serial Killer’ ay tila kakaibang pakinggan. Ito ay isinulat sa wikang Ingles sa paraang patanong na nagbigay katanungan sa mambabasa. Ang unang maiisip o papasok sa isipan ng mga mambabasa na ang libro ay isang uri ng katatakutan at may kakaibang misteryo ang nakabalot. Marahil isinulat ito ng may akda sa paraang patanong ay upang mahikayat at makuha ang atensyon ng makakahawak ng librong isinulat at magbigay kintal o kuryosidad sa nilalaman ng aklat. Sa patuloy na pagbabasa ay nakakatak sa isipan ang pamagat at magnanais na magkaroon ng malinaw na kasagutan. 

      Dagdag pa, ang pamagat ay ay hindi lamang mapanghikayat kundi may lalim na pahiwatig. Mahusay na naparating ng may akda ang tunay na mensahe ng aklat base sa pamagat nito. Ang salitang “how to make” ay nangangahulugang isang sistematikong proseso o paggawa ng isang bagay, maaring mahinuha na may isang misteryong mga kaganapan ang nalilikha o nangyayari sa kwento. Ang salitang “serial killer” ay nangangahulugang isang tao na marahas o pumapatay sa partikular na panahon na may kakaibang motibo. Ipinapahiwatig ang kakaibang tanong kung paano nga ba nilikha ang isang serial killer. 

      Sa pamagat nitong ‘How to Make a Serial Killer’ ay angkop sa nilalaman ng kwento dahil tumutukoy ito sa literal na aspeto o kahulugan (ang paglikha ng isang pekeng serial killer) at ang masaklap na resulta (ang pagtupad ng kathang-isip sa tunay na buhay). Isa itong matalinong paraan ng may akda na gamitin ang pamagat bilang balanse ng kontrobersya at pahiwatig ng nilalaman.


    B. Uri ng Panitikan at Genre

        Ito ay isang akdang pampanitikan na kabilang sa genre ng thriller at psychological horror. Ang kwento ay naglalaman nga mga madidilim na aspeto ng isip ng tao at mga pangyayari sa paligid ng mga krimen, partikular na ang serye ng mga pagpatay na tila itinuring na manipulasyon at nagdudulot ng katatakutan sa mga tao. Ang uri ng panitilan na ito ay gumagamit ng mga elementong nakakagimbal at nakakaindak upang pukawin ang takot at kuryosidad ng mambabasa sa bawat kabanata. 

        Bilang isang psychological horror, ang aklat ay nagpapakita ng masalimuot na paggalaw ng mga tauhan sa kwento at ang kanilang kagustuhan na makatakas sa dilim ng krimen. Ang kanilang pagsisisi ay nagdulot ng implikasyon sa emosyonal at mental na aspeto ng buhay na nagresulta upang harapin ang lahat ng kinahinatnan ng bawat desisyon. Ang akdang ito ay isang pagsaliksik sa katangian ng isang tao, na nagpapakita ng mga epekto ng takot, pandaraya, at ang mga pinagmumulan ng karahasan. 

    C. Pagkilala sa May-Akda 

        Si Bambi Emanuel M. Apdian, na mas kilala sa kanyang pen name na SerialSleeper, ay isang manunulat mula sa Davao del Norte, Pilipinas. Nagsimula siyang magsulat noong 15 taong gulang at nakilala dahil sa kanyang mga kwento sa Wattpad, partikular sa genre ng horror at psychological suspense. Kilala siya sa mga akdang tumatalakay sa kalikasan ng tao, tulad ng Dispareo, na nakakuha ng aabot sa 8.4 milyon views na nakabasa ng kanyang mga tanyag na isinulat. 

        Sinubukan niya ring magsulat ng librong may ibang genre maliban sa horror na pinamagatang ‘Stay Awake, Agatha’, kung saan ito ay inabot ng apat na buwan upang matapos noong 2014 at nakakuha ng pinakamaraming views o mambabasa na aabot sa 31.2 milyon. Ang kanyang mga akda ay nakakuha ng milyon-milyong mga reads, at siya ay naging isang tanyag na manunulat sa Wattpad community. 

         Ang librong ‘How to Make a Serial Killer’ ni Bambi Emanuel M. Apdian ay unang isinulat at nai-publish sa Wattpad noong 2019 at nailathala sa Anvil Publishing Inc – isang kilalang kumpanya sa Pilipinas na naglalathala ng iba't ibang mga libro, kabilang ang mga akdang pampanitikan. Hindi inakalang magiging tampok ang kanyang kwento, ngunit ang pagsikat ng kanyang pangalan sa Wattpad ay nagbigay-daan sa kanyang mga susunod na akda na magpatuloy ang kanyang karera bilang isang manunulat.


II. PAGSUSURING NILALAMAN 

    A. TEMA / PAKSA 

     Ang aklat na ‘How to Make a Serial Killer’ ay tumatalakay sa konsepto ng pananakot, manipulasyon, at ang epekto ng media sa isang lipunan. Nababalot ang kwento ng misteryo at paglalakbay sa pagitan ng kathang-isip at realidad – isang kwento na kung saan ang paglikha ng isang pekeng serial killer para takutin ang sanlibutan ay maaring maging totoo at magdulot ng banta sa bawat tauhan. 

        Ang pangunahing tema ng aklat ay ang kapangyarihan ng takot at ang moralidad ng panlilinlang. Ipinakita sa kwento kung paano nagagamit ang media at marketing upang hubugin ang pananaw ng publiko pagdating sa usapin ng krimen. Isang babala kung paano maaring lumampas ang kathang-isip sa realidad at kung paano ang simpleng ideya ay maaring maging isang tunay na halimaw.   

    B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON 

        Mga Tauhan 

     a. Wren Maddox – Siya ang pangunahing tauhan ng kwento. Sa pagnanais na matustusan ang kaniyang pag-aaral at matulungan ang kaniyang tito ay nagsimula siyang magpodcast at makipag-ugnayan sa Tramwell Industries. Dahil sa kaniyang talento at talino, naisip niya ang ideyang gumawa ng kathang-isip na serial killer bilang bahagi ng pakikipag ugnayan sa kumpanya. Siya ay isang matalinong tao ngunit hindi iniisip ang kahihinatnan ng bawat aksyon na ginagawa niya. 

        b. Tito ni Wren – Siya ang tito ng pangunahing karakter at parang itinuturing na ama ng bida, hindi inilahad ang tunay niyang pangalan sa kwento. Isa siyang misteryosong karakter na may malalim na koneksyon sa lahat ng kababalaghan sa kwento. Siya ang nagsilbing gabay at impluwensya ni Wren, ngunit may lihim siyang itinatago na may kaugnayan sa serye ng pagpatay. 

      c. Elias – Isang mahalagang tauhan na may kaugnayan sa mga serye ng pagpatay. Siya ay unti-unting nasasangkot sa mga kababalaghang pangyayari habang lumalawak ang gulo. Siya ay ang pinaghihinalaang isang serial killer ngunit walang ebidensiya ang nagpapatunay rito. 

        d. Sloane Carter – Siya ay isang matapang at matalinong journalist na mahilig mag-imbestiga ng mga pangyayari sa krimen. Dahil sa kanyang hilig sa pagsisiyasat, napansin niya ang koneksyon sa pagitan ng kathang-isip na serial killer ng Tramwell Industries at ng mga totoong nangyayaring pagpatay. Gayunpaman, dahil sa kanyang pagiging masigasig sa paghahanap ng sagot, minsan ay nalalagay siya sa panganib. Sa kabila nito, hindi siya sumusuko at patuloy niyang hinahanap ang hustisya at katotohanan sa likod ng misteryo. 

        e. Tunay na Serial Killer – Siya ay isang taong walang nakikilalang pangalan na nagsasagawa ng mga krimen na kahalintulad ng isang kathang-isip na serial killer. Ang kaniyang pangalan ay hindi inilahad upang mapanatili ang elemento ng psychological thriller ng akda. Sa pamamagitan ng hindi pagpapakilala sa kanya, binibigyan ng may-akda ang mga mambabasa ng pagkakataong maghinala at mag-isip ng iba't ibang posibilidad sa katauhan na walang malinaw na pagkakakilanlan. 

        Mga Tagpuan

    a. Tramwell Industries – Ang pangunahing tagpuan kung saan nagsimula ang ideya ng marketing campaign na lumikha ng isang pekeng serial killer upang kumita ng mas malaking pera sa pamamagitan ng ng mga makabagong estratehiya at pag-aalok ng isang security system. Dito din nagaganap ang mga mahahalagang eksena na nagtatampok ng mga desisyon ng mga pangunahing tauhan sa kwento. 

    b. Social media at Online Forums – Ang online na mundo ay nagiging isang tagpuan kung saan ang kwento ng serial killer ay mabilis na kumakalat. Dito nagaganap ang mga diskusyon ng mga tao tungkol sa mga pagpatay at ang misteryo ng serial killer, pati na rin ang pagbuo ng takot at panic sa publiko. Ang social media ay isang simbolo ng modernong paraan ng pagpapalaganap ng impormasyon at maling impormasyon. 

   c. Mga Lugar ng Krimen – Ang mga eksena ng pagpatay na ginanap sa iba't ibang lokasyon ay nagiging mahalaga sa pagpapakita ng epekto ng marketing campaign. Ang mga lugar na ito ay kadalasang inilarawan bilang mga madilim at nakakakilabot, na nagdadala ng tensyon at takot sa kwento. Binibigyan ng akda ang mambabasa ng isang paglalarawan ng mga sakunang dulot ng pekeng serial killer. 

    d. Opisina ni Wren Maddox – Isang lugar kung saan palaging nananatili ang bida at dito isinasagawa ang lahat ng desisyon ukol sa marketing campaign na ginagawa. Dito nagsimula ang plano at dito rin ipinakita ang mga personal na pakikibaka ni Wren, pati na rin ang mga moral na dilemmas na kinakaharap niya habang ang kanyang ideya ay nagsimulang magdulot ng malalaking problema. 

    e. Mga Public Events at Press Conferences – Ang mga pampublikong kaganapan, tulad ng mga press conference, ay isa ring mahalagang setting kung saan ang kumpanya ay nagpapaabot ng mga mensahe ukol sa kanilang kampanya, pati na rin ang mga balita tungkol sa serye ng mga pagpatay. Dito lumalabas ang papel ng media at kung paano ginagamit ito ng kumpanya upang manipulahin ang opinyon ng publiko. 

        Panahon

        Ang panahon o mga pangyayari sa kwento ay maihahalintulad sa isang modernong lugar na puno ng teknolohiya, media influence, at marketing strategies. Ang kwento ay maikukumpara sa nagaganap sa kasalukuyang panahon, kung saan ang makabagong teknolohiya at social media ay may malaking epekto sa buhay ng mga tauhan at sa mga pangyayari sa kwento. Ang makabagong panahon, ang kasalukuyang panahon ng mga advanced na teknolohiya na kumokonekta sa mundo na nagiging mahalaga sa pagpapakita ng kakahayan ng isang kumpanya tulad ng Tramwell Industries na magmanipula sa publiko sa pamamagitan ng marketing strategies.  

    C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA 

        Ang estilo ng pagkakasulat ng may-akda ay mabilis, puno ng twists at nakaka-engganyo. Ginamit ng may-akda ang isang mabilis na pacing sa pagsulat, kung saan ang kwento ay patuloy na umuusad at pinapalakas ang tensyon sa bawat kabanata. Ang pagsasanib ng mabilis na pacing at elemento ng thiller at psychological horror ay nagpakita ng malalim na emosyon sa kwento. 

        Isa sa mga natatanging aspeto ng estilo ng may-akda ay ang paggamit ng first-person narrative o pananaw ng mga tauhan. Ito ay nagpapalalim sa emosyonal na koneksyon ng mambabasa sa mga karakter, dahil nararamdaman nila ang kanilang mga pag-aalala, pangarap, at takot. Ang ganitong estilo ng pagsulat ay nagpapakita ng mga panloob na saloobin ng mga tauhan, na tumutulong sa mga mambabasa na mas maintindihan ang kanilang mga motibo at gumugol ng oras sa pagninilay sa kanilang mga aksyon. 

        Gumamit din ang may-akda ng flashbacks o pagsusuri sa nakaraan ng mga karakter upang ipakita ang mga kasaysayan na humubog sa kanila. Binibigyang-diin nito ang mga psikolohikal na aspeto ng mga tauhan, lalo na ang moral dilemmas na kanilang kinakaharap.  


III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN 

    A. KAKINTALAN / KAISIPAN 

     Ang ‘How to Make a Serial Killer’ ay tunay na kapupulutan ng maraming gintong aral sa mambabasa. Ito ay nakatutok sa mga moral at etikal na isyu ng media manipulation, takot, at ang kahalagahan ng moralidad sa mga desisyon ng tao. Ang kwento ay nagpapakita kung paano ang tao ay maaring maimpluwensyahan at madala sa mga maling hakbang o gawain, kung paano ang simpleng ideya ay maaring humantong sa isang malaking problema. Nais iparating na ang tao ay dapat magkaroon ng kontrol o pagninilay sa kaniyang ginagawa. 

        Ang kwento ay maiuugnay sa konsepto ng kapangyarihan at responsibilidad. Pinapakita nito kung paano ang mga taong may kontrol sa media at impormasyon ay may kakayahang manipulahin ang opinyon ng marami, at kung gaano kahalaga ang pagiging responsable sa paggamit ng ganitong kapangyarihan. Ipinapakita ng kwento na hindi lahat ng nakikita o naririnig natin, lalo na sa media, ay totoo. Ang mga maling impormasyon ay maaaring magdulot ng takot at kalituhan, na nagiging sanhi ng maling pag iisip at aksyon. Isa sa mga malupit na aral ng kwento ay ang hindi basta basta pagkakaroon ng paniniwala o pagkilos base sa naririnig lamang mula sa media o sa iba’t ibang tao. 

        Isa pang aral na makikita ay ang kahalagahan ng pananagutan sa mga desisyon natin, lalo na sa mga taong may kapangyarihan o impluwensya sa lipunan. Hindi sapat ang magkaroon ng ideya o layunin; ang bawat hakbang at aksyon ay may epekto sa iba, kaya’t mahalaga ang pagiging maingat at responsable. Ang mga tauhan sa kwento, sa kanilang mga desisyon, ay nagpapaalala sa atin na ang pagiging makatarungan at tapat ay hindi palaging madaling gawin, pero ito ang magbibigay ng tunay na pag-unawa sa ating mga moral na pagpili. 

        Bilang kabuuang aral, ang kwento ay nanghihikayat sa atin na mag isip ng mabuti tungkol sa mga desisyon natin at kung paano tayo magiging bahagi ng pagbabago sa lipunan. Ang mga aral na ibinibigay ng kwento ay nagpapakita ng kahalagahan ng moralidad, pagiging responsable, at pag iwas sa maling impormasyon upang magtagumpay sa paggawa ng tama.


    B. KULTURANG MASASALAMIN 

         Makikita sa kwento ang kulturang may kinalaman sa impluwensiya ng media at ang pagkahilig ng mga tao sa mga haka-haka na kwento o balita. Sa kwento, ginagamit ang social media at marketing para manipulahin ang mga tao at gawing popular ang isang ideya, kahit na ito ay may negatibong epekto. Makikita dito ang isang aspeto na maihahalintulad sa kultura ng mga Pilipino, kung saan ay madalas pinapansin natin ang mga kwento na na nakakagulat o nakakaintriga, at minsan hindi na natin iniisip ang mga epekto nito o kung ito ba ay may katotohanan. 

      Dagdag pa, katulad ng sa kwento, ay may mga pagkakataon na nagiging bahagi ng ating buhay kung saan ang mga negosyo at marketing ay nagiging paraan upang gawing popular ang kahit anong idea o produkto, kahit na hindi ito palaging mabuti, basta lang ang mahalaga ay kumita ng maraming pera. Halimbawa, sa paggamit ng social media, maraming tao ang sumusunod sa uso o mga viral nang hindi tinitingnan ang magiging epekto nito. 

       Sa kabuuan, ang kwento ay nagpapakita ng kultura ng takot at pagtanggap sa maling impormasyon, na maihahalintulad sa mga Pilipino na madalas madali maloko ng mga balita o trending na paksa sa media. Itinuturo ng kwento na importante ang pagiging maingat sa kung ano ang pinaniniwalaan at sinusunod, at kailangan natin mag-isip ng mabuti bago gumawa ng desisyon. 



IV. LAGOM 

        Ang kwento ay umiikot sa buhay ni Wren Lozarte, isang podcaster na nakatuon sa mga krimen. Bumalik siya sa kanyang bayan upang alagaan ang kanyang tiyuhin at dahil sa kakulangan sa pera, tinanggap niya ang isang alok mula sa Tramwell Industries—isang kumpanya na may plano upang lumikha ng takot sa publiko. Bilang bahagi ng kanilang kampanya, gagamitin nila si Wren upang magpakalat ng impormasyon tungkol sa isang hindi totoong serial killer, na layuning hikayatin ang mga tao na bumili ng kanilang security system. 

        Sa simula, naging madali para kay Wren ang pagpapanggap, dahil sanay na siya sa mga usaping may kinalaman sa krimen. Ginamit niya ang kanyang podcast upang ipalaganap ang kwento ng pekeng serial killer. Ngunit habang lumilipas ang panahon, nagsimula siyang makatanggap ng mga banta mula sa isang hindi kilalang tao. Kasabay nito, may mga totoong pagkawala at pagpatay na nagaganap sa kanilang bayan, mga insidenteng hindi kasama sa orihinal na plano ng Tramwell Industries. Dito niya napagtanto na may isang tunay na kriminal na ginagaya ang kanilang imbento. 

      Habang patuloy ang kanyang imbestigasyon, unti-unting nalaman ni Wren na ang Tramwell Industries ay may mas malalim na lihim. Hindi lang ito tungkol sa marketing stunt kundi isang mas malaking panlilinlang upang kontrolin ang takot ng publiko para sa kanilang sariling pakinabang. Sa kanyang pagtuklas, siya mismo ang naging target ng tunay na serial killer. Dumaan siya sa maraming pagsubok, kabilang ang pagkakadukot at halos pagkamatay sa kamay ng kriminal. 

       Sa tulong ng kanyang mga kaibigan, gumawa si Wren ng paraan upang lumaban. Sa huli, nagawang ilantad ang tunay na kriminal pati na rin ang kasamaan ng Tramwell Industries. Isang matinding paghaharap ang naganap sa pagitan niya at ng serial killer, kung saan ginamit niya ang kanyang talino at tapang upang makaligtas. Sa wakas, nahuli ang kriminal, at bumagsak ang Tramwell Industries matapos malantad ang kanilang ilegal na gawain. 

        Matapos ang lahat, nagdesisyon si Wren na talikuran ang kanyang podcast at magsimula muli. Napagtanto niya ang tunay na epekto ng maling impormasyon at kung paano ito maaaring gamitin upang manipulahin ang takot ng tao. Sa kanyang bagong simula, dala niya ang aral na sa kabila ng lahat ng panlilinlang, ang katotohanan at hustisya pa rin ang mananaig. 

        Ang How to Make a Serial Killer ay isang kwento ng manipulasyon, takot, at katotohanan. Ipinapakita nito kung paano maaaring magamit ang media upang linlangin ang publiko, at kung paano maaaring mauwi sa trahedya ang isang bagay na inakala lamang na isang laro o eksperimento.


V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI 

        Bilang isang mambabasa, masasabi kong ang ‘How to Make a Serial Killer’ ay isang kakaiba at kapanapanabik na kwento. Sa simula pa lang, napaniwala ako ng ideya na may isang pekeng serial killer na kalaunan ay nagkaroon ng tunay na kopya. Napakaganda ang paraan ng pagkakalahad ng may-akda dahil unti-unting naipakita ang paglala ng sitwasyon mula sa isang simpleng plano hanggang sa isang tunay na trahedya. Nagustuhan ko rin kung paano ipinakita ang epekto ng media sa pananaw ng mga tao, lalo na kung paano maaaring gamitin ang takot upang manipulahin ang isang buong komunidad. 

        Isa sa pinakamalaking puntos na nagustuhan ko sa kwento ay ang karakter ni Wren. Siya ay hindi perpekto, may kahinaan at nagkamali, pero patuloy siyang lumaban upang malaman ang katotohanan. Madaling makarelate sa kanya dahil ipinakita ang kanyang emosyon—ang takot, pagdududa, at pangamba—pero sa kabila nito, pinili niyang lumaban. 

        Gayunpaman, may ilang bahagi ng kwento na sa tingin ko ay maaaring mapahusay. May ilang eksena na medyo mabilis ang daloy, kaya parang hindi gaanong nabigyan ng pagkakataon ang ilang detalye na mas pag-usapan pa. Halimbawa, mas maganda sana kung mas nadagdagan ang background ng tunay na serial killer—ano ang dahilan niya sa pagpatay, at paano siya naapektuhan ng pekeng balitang pinalaganap nina Wren? Sa tingin ko, kung mas binigyang-pansin ito, mas magiging matindi ang impact ng kwento. 

        Bukod dito, ang tema ng media manipulation ay napapanahon at makabuluhan, lalo na sa mundo ngayon kung saan mabilis kumalat ang impormasyon, totoo man o hindi. Naisip ko na parang babala rin ang kwento tungkol sa kung paano natin dapat suriin ang impormasyong ating tinatanggap at hindi basta-basta maniwala sa lahat ng naririnig natin. 

        Sa kabuuan, ang ‘How to Make a Serial Killer’ ay isang kwentong puno ng tensyon at aral. Tunay ngang mahusay ang pagkakasulat ng may akda sa librong ito. Isa itong paalala kung paano maaaring mauwi sa totoong trahedya ang isang simpleng panlilinlang. Maganda ito para sa mga mahilig sa misteryo at psychological thrillers, at tiyak na mag-iiwan ito ng tanong sa isipan ng mambabasa. Nirerekomenda ko ito sa mga taong mahilig magbasa ng may ganitong uri ng genre. Tiyak na mapupuno ang isipan ng mambabasa ng samot saring emosyon, mula sa kaba at pananabik hanggang sa pagtataka at pagkatakot. 

        Hanggang saan ang kayang gawin ng isang tao sa ngalan ng takot at kapangyarihan?

Linggo, Enero 5, 2025

Sulatin #5: Diploma o Diskarte?


          Sa panahon ngayon, madalas naitatanong kung alin ang mas mahalaga sa tagumpay—ang diploma o diskarte. Ang diploma ay sumisimbolo ng edukasyon at pormal na kaalaman, samantalang ang diskarte ay ang kakayahang umangkop at gumawa ng paraan sa iba't ibang sitwasyon. Parehong mahalaga ang dalawang ito, ngunit ang kanilang kahalagahan ay nakadepende sa konteksto ng buhay ng isang tao.

            Ang diploma ay nagbibigay ng pundasyon ng kaalaman at kredibilidad sa propesyonal na mundo. Sa maraming industriya, ito ang unang hinahanap ng mga employer bilang patunay ng kakayahan. Gayunpaman, sa mundo ng mabilisang pagbabago, hindi sapat ang diploma lamang. Ang diskarte ay mahalaga upang makahanap ng solusyon sa mga problema at magtagumpay sa mga sitwasyong hindi inaasahan.

              Sa huli, hindi kailangang pagpilian kung diploma o diskarte ang mas mahalaga. Ang tamang balanse ng edukasyon at kakayahang magdiskarte ang tunay na susi sa tagumpay. Ang diploma ay pundasyon, ngunit ang diskarte ang nagbibigay-buhay at kakayahan upang maisakatuparan ang mga pangarap sa harap ng anumang hamon.


Sulatin #4: Ang Pamilya ang Tunay na Kaligayahan

 



      Ang tunay na kaligayahan ay hindi nakabase sa kayamanan o tagumpay, kundi sa mga bagay na nagbibigay ng tunay na kahulugan sa ating buhay. Sa lahat ng ito, ang pamilya ang pinakamahalaga. Ang kanilang pagmamahal at suporta ay nagbibigay ng init at kasiyahan na hindi matutumbasan ng kahit ano. Sa mga simpleng sandali tulad ng masayang kwentuhan o pagtutulungan, nararamdaman natin ang tunay na kaligayahan.

    Hindi perpekto ang bawat pamilya, ngunit dito natin natutunan ang halaga ng pagtanggap at pagpapatawad. Sa kabila ng mga pagsubok, ang pamilya ang nananatiling ating sandigan. Ang kanilang suporta sa panahon ng tagumpay at kabiguan ang nagbibigay ng lakas at pag-asa sa buhay.

       Sa huli, ang tunay na kaligayahan ay hindi tungkol sa kung anong meron tayo, kundi kung sino ang kasama natin. Ang pamilya ang nagbibigay ng walang-kondisyong pagmamahal na nagbibigay ng kahulugan sa ating paglalakbay. Sa piling nila, natutuklasan natin ang kahulugan ng tunay na kasiyahan.









Sulatin #3 (Reaksyong Papel): Anak by Freddie Aguilar



        Ang awiting "Anak" ni Freddie Aguilar ay naglalaman ng isang makapangyarihang mensahe tungkol sa pagmamahal ng magulang at ang sakripisyong ginagawa nila para sa kanilang mga anak. Ipinapakita nito ang kanilang walang-kapantay na suporta at pang-unawa, kahit pa nalilihis ng landas ang kanilang anak. Ang awit ay nagsisilbing paalala na dapat pahalagahan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ang mga bagay na ginagawa ng mga ito para sa kanila.

        Higit pa rito, ang kanta ay nagpapakita ng isang masakit ngunit makabuluhang proseso ng pagsisisi. Sa paglalahad ng kwento ng isang anak na nagkamali ng landas, binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagtanggap ng pagkakamali at muling pagbalik sa tamang direksyon. Ang ganitong mensahe ay tumutugon hindi lamang sa mga anak kundi pati na rin sa mga magulang na laging bukas upang tanggapin ang kanilang anak anuman ang kanilang pinagdaanan.

        Sa kabuuan, ang "Anak" ay nagtuturo ng malalim na aral tungkol sa kahalagahan ng pamilya, respeto, at pasasalamat. Isa itong awitin na nagpapalalim ng pagmumuni-muni sa mga relasyon sa loob ng pamilya at nag-uudyok ng mas matibay na pagkakaisa sa pagitan ng magulang at anak. Ang awitin ay isang mahalagang paalala na ang pagmamahal ng pamilya ay mananatiling pundasyon ng bawat tao.


Reference: https://youtu.be/ibmh64itn1M?si=KT-4TuUg63oiKzrM 

Sulatin #2: Ang Pagharap sa Bagong Pagkakataon



            Si Yassen ay isang labing pitong taong gulang na binata na naninirahan sa bayan ng Cainta, Rizal. Siya ay kasalukuyang nag-aaral sa Sta. Lucia High School, kung saan siya kilala bilang isa sa mga pinakamahusay sa larangan ng matematika at agham. Ang kanyang husay at dedikasyon sa pag-aaral ay hindi lamang nagdadala ng karangalan sa kanyang sarili kundi pati na rin sa kanyang paaralan.

            Bilang isang kabataang puno ng pangarap, naitindihan ni Yassen ang hirap ng buhay. Lumaki siya sa isang pamilyang marangal ngunit hindi masagana, kaya’t maaga niyang natutunan ang kahalagahan ng pagsisikap at determinasyon. Ang bawat tagumpay na kanyang nakakamit ay bunga ng kanyang tiyaga at matinding hangaring magtagumpay hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa kanyang mga magulang na nagsilbing inspirasyon sa kanyang buhay.

        Naniniwala si Yassen na ang edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan. Ang kanyang pangarap ay makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng isang maayos na propesyon na magbibigay-daan upang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Sa kabila ng mga hamon, patuloy siyang kumikilos at nag-aasam ng mas maliwanag na kinabukasan. Siya ay isang huwarang kabataan na nagtuturo sa atin ng halaga ng pagsusumikap, pagpupunyagi, at pagmamahal sa pamilya.

Suring Aklat: How to Make a Serial Killer

Sta. Lucia High School  #30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City    How to Make a Serial Killer  Ni Serialsleeper (Bambi Emanue...